Tuesday, August 17, 2010

Sabit


Isang experience.

Papunta ako ng Quiapo, sa Maynila. Pagdating ko sa may V.Mapa, ang jeep kong sinasakyan ay biglang hinabol ng mga bata at animoy mga gagambang talon na nagsi-akyatan sa punong-punong jeep na aking kinalalagyan. "Hoy! Bumaba nga kayo dyan!" Sigaw ni mamang driver habang nakatingin sa napakaliit nyang salamin sa harap ng kanyang ulo. "Baka madisgrasya pa kayo, sagutin ko pa kayo." Pagpapatuloy ng mama.

Sa aking pakiwari, may punto nga naman ang mama. Ang kita nyang kakaunti baka sa pagpapagamot pa mapunta, o di kaya'y sa pagpapalibing ng musmos na mga bata. Ang masama nya'y baka mabugbog pa sya ng mga tambay sa kanyang dinaraanan sakaling mangyari nga ang kanyang kinatatakutan. Gusto ko rin sana silang sawayin, bilang nakakatandang "concern" sa kanilang kalagayan. Baka nga naman mahulog, kawawa naman. Pero imbes na manaway, napangiti pa ako't natuwa sa kanilang kakulitan.

Hehehe, gawain ko rin yan kasi dati.

"Mama, pasabit! Hanggang kanto lang!" Biglang haharurot para kami ay iwasan. Hahabulin mo hanggang sa mahablot ang estribo. Hating-gabi na, laman pa kami ng kalsada. Minsan, may mabait na driver na magpapasabit, ang iba nga'y papasukin ka sa loob na hindi pagbabayarin. Yun yung mga pagkakataong namumulot kami ng mga kaha ng sigarilyo. Para gawing pera-perahan sa kalog o tansing. Kung minsan mga bakal-bakal at tanso na pwedeng ibenta para maipambaon sa eskwela, pambili ng nutriban at kung anu-anong kakanin na binebenta ni titser na pag-hindi ka bumili, babawasan ka ng grado sa exam. Salbaheng guro. Panakot lang naman nya, pero salbahe pa ring guro. Malayu-layo kasi kung lalakarin. Sayang naman  din kung mamasahe ka pa. Alanganin. Naiipit ka tuloy sa gitna. Kaya yun ang aming paraan, ang makisabit sa mga jeep. Ang sumakay ng walang-bayad. Delikado sa mata ng mga matatanda. "Adventure" sa aming mga bata.

Di kasi kami mayaman. Ang simpleng kawalan ng P1.50 ay sapat ng lason sa isipan para isisi kung kani-kanino kung bakit kasi hindi kami mayaman. Ang bawat sentimo noon ay iniipon. Pinupulot at pinahahalagahan. Di gaya ngayon, magagalit ka pa pag sinuklian ka ng baryang may butas sa gitna.

Pumreno ang jeep at ang driver ay akmang bababa. Kanya-kanyang puslit ang mga bata. Pero sa di kalayua'y nag-ipon-ipon ding bigla. Nagsisikuhan. Nagtatawanan. At nag-aabang muli ng panibagong masasabitang sasakyan.

Masisisi ko ba sila sa delikadong bagay na kanilang ginagawa? Di ko alam. Naiipit ako sa gitna.

2 comments:

  1. nice one dude! reminiscing the good old days..kahit ako naranasan ko rin yan...hayy...tumatakbo ng mabilis ang panahon at isang araw ay gugunitain ko rin ang senaryong yan...habang sakay ako ng tumba tumbang bangko at nakatingin sa paglubog ng araw...nice one pre!

    ReplyDelete