Nais kong simulan ang isang serye ng mga munting panulat patungkol sa mga istoryang aking naiisip, nalalaman, napupulot, natututunan at napagtatanto sa mga buhay-buhay at pangyayari sa loob ng mga sasakyang aking nasasakyan: jeep, bus, bangka, barko, tren, tricyle, pedicab, kotse, truck at sana, sa eroplano rin. Araw-araw ay iba't-ibang tao ang ating nakakatabi, nakikita at nakakausap. Bawat isa, ay may istoryang dala-dala.
Hindi man lahat ng istoryang mababasa nyo ay totoong istorya ng mga taong nasa larawan, inisipan ko lang ang ilan. Ngunit hindi ibig sabihin ay hindi ito nangyayari sa ating totoo at kanya-kanyang buhay.
Bitbit ang aking kamera, tara't samahan ako at bigyang pansin ang mga kwento sa loob ng mga sasakyang araw-araw nating kasama. Malay mo, ang istorya nila'y istorya mo rin pala.
ByahiLOG #1: Ang Tulog.
Malamang ko, kung ikaw ay isang byahero, papunta man ng probinsya o sa trabaho, nakatulog ka na rin sa sinsakyan mo! At marahil may ilang beses ka na ring lumampas sa dapat na bababaan mo! hehe Tama ako no?
Marami na akong nakasakay na nakakatulog. Halo-halo na rin ang mga naramdaman ko at naging reaksyon sa mga ito.
1. INIS. May nakatabi ka na sigurong sobrang antukin. Kada bagsak ng kanyang ulo ay sa balikat mo lalanding. May lasing, may tsiks, may matanda at bata, at may cute at mukhang terorista! Ok lang naman sana, kaya lang minsan, ang bago mong polo at todo-todong pinalantsa, ay magugusot lang at worst, matutululuan ng laway nila! ahaha. Pagpasok mo tuloy sa opisina, ay amoy ngala-ngala ka na!
2. AWA. May mga tulog namang sadyang dahil sa labis na pagod at puyat lang. Kung minsan, may sasakay na sandamakmak na banyera at bayong ang dala-dala. Mga paninda. Ang kawawang matanda, di pa man komportable sa pagkaka-upo ay nakakatulog na. Meron namang mag-asawa, sangkaterba ang anak na akap-akap, at pag dalawa o tatlo ang inantok, naku, kaawa-awang eksena ng mga tulog na bata!
3. TAKOT. May mga tulog kasing parang mahuhulog na sa upuan. Ang ilan nga'y sa sobrang himbing ay di mo na alam kung meron pa bang malay. Meron din namang mga mapagsamantala na habang natutulog ang iba ay pagkakataon nyang gawan ng masama. Laslasin ang bag, ang bulsa, o mga manyak na gustong tsansingan ang mga katabing maganda! Sus naman!
4. TUWA NA MAY HIYA. Ahahaha, natawa na agad ako dahil isa ito sa mga personal kong naranasan! Yun bang inaantok na nakahawak sa estribo at biglang makakabitaw ka sa pagkakahawak at babagsak ang ulo mo't katawan na para kang nawalan ng malay! Ahahaha! Nangingiti ka? Ikaw din siguro no!? Minsan naman, bagsak ng bagsak ang ulo na akala mo'y manok na tumutuka. May nakanganga pa nga at nilalangaw ang bunganga. Tumutulo pa nga ang laway kung minsan! Ewwwww! Nakakatawa pero nakakahiya din.
Araw-araw may tulog kang makikita sa sasakyan. Ikaw at ako mismo ay naranasan na rin marahil yan. Di naman natin masisisi ang mga yan. May pagod, may puyat at may sadyang antukin lang. Ang sa akin lang, maging mapagmasid at mag-ingat ng mabuti. Hangga't maaari nga, ay pigilan ang kaantukan dahil may lugar at oras naman para dyan! Maiiwasan mo pa ang mapagtawanan at mapahiya. Ngunit, kung talagang hindi mapipigilan, at wala ka rin namang pakialam sa mga makakasaksi ng pagkakahimbing mo sa sasakyan, bago ka matulog, tingnan ang katabi at i-secure ang kagamitan. Dahil marami rin ang kawatan!
No comments:
Post a Comment