Tuesday, August 31, 2010

May napulot ako sa kalsada

Madalas akong mag-imagine na habang ako'y naglalakad sa kalsada ay marami akong mapupulot na pera. Minsan, iniisip ko, may isang makalaglag sana ng envelope na puno ng pera at pagkatapos ako ang makakapulot. Walang address. Walang pangalan. O kaya naman, may 'sang magnanakaw na hinahabol ng pulis, at sa aking pagsalubong ay ibabato nya sa akin ang isang bag na pera ng walang nakakapansin. Kaya madalas, pag ako'y naglalakad sa kalsada, lagi akong nakayuko...umaasang may mapulot kahit barya. Ahahaha.

Na-in-love ako sa "street photography". Ayaw ko sya noong una dahil nahahabag ako at naiinis sa aking mga nakikita. Naawa dahil marami tayong kababayan ang talagang salat sa kadukhaan, nakikita ko ang tahanan nila sa kung saan-saang silong lang. Nanlilimos. Namumulot ng pagkain sa basurahan. Manghihingi ng piso. Kung minsan, ang natira kong gulaman ay hihingin pa ng ibang mga bata. Nakatunganga maghapon katabi ang kanilang panindang kendi na halos iilang piraso na lang.  Kung saan mailatag ang likod, ayos na ring higaan. Marami ang natutulog kung saan-saan lang. Umaaraw man o umuulan.


Naiinis din dahil parang walang tumutulong sa kanila. Walang pumapansin. Katatakutan. Pandidirihan. Ang gobyerno sana ang nangunguna sa pag-aksyon sa mga kagaya nila. Pero sadyang kulang o kaya nama'y talagang walang maasahan. Naiinis dahil wala rin naman akong magawa.


Pero sa paglaon ng mga panahon sa daan-daang larawang aking nakuhanan, at sa mga buhay na aking namasdan, nakita ko rin ang pwedeng magawa ng aking mga larawan. Na ang aking mga kuha ay pwedeng magsilbing tinig nila. Tinig na hindi naririnig o ayaw pakinggan ng karamihan. Gayundin naman, ang mga larawang ito'y personal ko ring pinagkukuhanan ng mahahalagang aral ng aking buhay. Na ako bilang naka-aangat sa kanila ng kaunti, ay dapat matutong magpasalamat at maging kontento sa biyayang aking natatanggap sa araw-araw. Nawa, ang ibang makatingin sa mga kuhang ito, ganun din ang maramdaman.


Iba-iba ang buhay sa kalsada. Iba't-ibang tao ang pwede nating makita. Kanya-kanyang gawa. Kanya-kanyang istorya.


Babalik-balikan ko ang kalsada. Maglalakad ako ng hindi na nakayuko. Di man ako makapulot ng pera, alam kong may mas mahalaga pa na pwedeng mapulot sa kalsada.

No comments:

Post a Comment