Thursday, September 9, 2010

ByahiLOG #1: Ang tulog.

Nais kong simulan ang isang serye ng mga munting panulat patungkol sa mga istoryang aking naiisip, nalalaman, napupulot, natututunan at napagtatanto sa mga buhay-buhay at pangyayari sa loob ng mga sasakyang aking nasasakyan: jeep, bus, bangka, barko, tren, tricyle, pedicab, kotse, truck at sana, sa eroplano rin. Araw-araw ay iba't-ibang tao ang ating nakakatabi, nakikita at nakakausap. Bawat isa, ay may istoryang dala-dala.

Hindi man lahat ng istoryang mababasa nyo ay totoong istorya ng mga taong nasa larawan, inisipan ko lang ang ilan. Ngunit hindi ibig sabihin ay hindi ito nangyayari sa ating totoo at kanya-kanyang buhay.

Bitbit ang aking kamera, tara't samahan ako at bigyang pansin ang mga kwento sa loob ng mga sasakyang araw-araw nating kasama. Malay mo, ang istorya nila'y istorya mo rin pala.

ByahiLOG #1: Ang Tulog.


Malamang ko, kung ikaw ay isang byahero, papunta man ng probinsya o sa trabaho, nakatulog ka na rin sa sinsakyan mo! At marahil may ilang beses ka na ring lumampas sa dapat na bababaan mo! hehe Tama ako no?

Marami na akong nakasakay na nakakatulog. Halo-halo na rin ang mga naramdaman ko at naging reaksyon sa mga ito.

1. INIS. May nakatabi ka na sigurong sobrang antukin. Kada bagsak ng kanyang ulo ay sa balikat mo lalanding. May lasing, may tsiks, may matanda at bata, at may cute at mukhang terorista! Ok lang naman sana, kaya lang minsan, ang bago mong polo at todo-todong pinalantsa, ay magugusot lang at worst, matutululuan ng laway nila! ahaha. Pagpasok mo tuloy sa opisina, ay amoy ngala-ngala ka na!

2. AWA. May mga tulog namang sadyang dahil sa labis na pagod at puyat lang. Kung minsan, may sasakay na sandamakmak na banyera at bayong ang dala-dala. Mga paninda. Ang kawawang matanda, di pa man komportable sa pagkaka-upo ay nakakatulog na. Meron namang mag-asawa, sangkaterba ang anak na akap-akap, at pag dalawa o tatlo ang inantok, naku, kaawa-awang eksena ng mga tulog na bata!

3. TAKOT. May mga tulog kasing parang mahuhulog na sa upuan. Ang ilan nga'y sa sobrang himbing ay di mo na alam kung meron pa bang malay. Meron din namang mga mapagsamantala na habang natutulog ang iba ay pagkakataon nyang gawan ng masama. Laslasin ang bag, ang bulsa, o mga manyak na gustong tsansingan ang mga katabing maganda! Sus naman!

4. TUWA NA MAY HIYA. Ahahaha, natawa na agad ako dahil isa ito sa mga personal kong naranasan! Yun bang inaantok na nakahawak sa estribo at biglang makakabitaw ka sa pagkakahawak at babagsak ang ulo mo't katawan na para kang nawalan ng malay! Ahahaha! Nangingiti ka? Ikaw din siguro no!? Minsan naman, bagsak ng bagsak ang ulo na akala mo'y manok na tumutuka. May nakanganga pa nga at nilalangaw ang bunganga. Tumutulo pa nga ang laway kung minsan! Ewwwww! Nakakatawa pero nakakahiya din.

Araw-araw may tulog kang makikita sa sasakyan. Ikaw at ako mismo ay naranasan na rin marahil yan. Di naman natin masisisi ang mga yan. May pagod, may puyat at may sadyang antukin lang. Ang sa akin lang, maging mapagmasid at mag-ingat ng mabuti. Hangga't maaari nga, ay pigilan ang kaantukan dahil may lugar at oras naman para dyan! Maiiwasan mo pa ang mapagtawanan at mapahiya. Ngunit, kung talagang hindi mapipigilan, at wala ka rin namang pakialam sa mga makakasaksi ng pagkakahimbing mo sa sasakyan, bago ka matulog, tingnan ang katabi at i-secure ang kagamitan. Dahil marami rin ang kawatan!

Sunday, September 5, 2010

SUNDAY MESSAGE: "When Christians Face Trials"

Ang pagsubok ay anumang bagay o pangyayari na nagdudulot sa atin ng kalungkutan, kasakitan, pagdurusa o paghihirap na sumusubok sa ating kakayahan, kahinahunan, pagpipigil at pananampalataya. Ang mga pagsubok ay nararanasan ng tao sa iba't-ibang kaparaanan.

Maaring ito ay isang sakit na nagpapahirap sa'yo. Maaring isang suliranin sa trabaho, pamilya, pinansyal o sa sarili. Maaari rin na ito ang mga taong palagi na lang umuusig sa sa'yo at nagpapabigat ng iyong puso sa madalas na pagkakataon.


Ang lahat ng tao ay dumaraan sa samu't saring pagsubok. Ngunit hindi lahat ay may pare-parehong pamamaraan ng pagtugon sa mga ito. May malaking pagkakaiba ang pagharap sa pagsubok ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos at ng mga taong may pananalig at pananampalataya sa Kanya.

Sa mga malayo ang kalooban sa Diyos, ang ilan ay dadaanin sa pag-iisa at pilit na ilalayo ang sarili sa iba. Para sa kanya, kaya nyang lampasan iyon ng mag-isa. Walang katulong. Walang mga kaibigan. Marami ang sa ganitong paraan ay di pumapasa. Ang iba nama'y ibubuhos sa pagluha at lalo pang pagpapabigat sa pasaning kanyang dinadala. Kung kelan sya labis na malungkot, lalo pa syang makikinig ng mga malulungkot na awitin at pupunta sa mga malulungkot na lugar. Nagdaragdag lang sila ng kilo-kilong kabigatan sa mabigat na nilang problema. Ang masaklap, ang iba ay sumusubok humanap ng solusyon sa pagkikitil ng sariling buhay-at mas masahol, ang pagdadamay pa ng iba kagaya na lamang ng mga nakaraang laman ng balita tungkol sa "hostage taking". Nakakalungkot na mga balita. Walang na-solusyunang problema.

Ang may pananampalataya sa Diyos ay may kakaibang pagharap sa mga suliranin ng kanyang buhay. At dapat naman! Para saan pang sumasamlataya ka sa Diyos na MAKAPANGYARIHAN at KAYANG GAWIN ANG ANUMANG BAGAY kung hindi mo ito pananampalatayahan sa iyong buhay.

Let's read James 1:2-4



2Consider it pure joy, my brothers, whenever you face trials of many kinds, 3because you know that the testing of your faith develops perseverance. 4Perseverance must finish its work so that you may be mature and complete, not lacking anything.

So how do christians face trials?

We....


1. Tell God
Magsumbong ka sa Diyos. Let Him know what you are going through. Kung minsan ang ating mga magulang kahit alam na may mga problema tayo ay hinihintay lang tayong magsabi bago sila makialam. God wants to hear it from your own lips that you need Him in your life. We tell God because in everything, there is nothing we can do without Him. Let Him help you. I'm sure God is more than willing to listen.

 Acts 16:25-26
25About midnight Paul and Silas were praying and singing hymns to God, and the other prisoners were listening to them. 26Suddenly there was such a violent earthquake that the foundations of the prison were shaken. At once all the prison doors flew open, and everybody's chains came loose.

2. Read His Word
Nasa Bibliya ang lahat ng kasagutan na hinahanap mo sa iyong buhay. Nasa bibliya ang karunungang kailangan mo para harapin ang mga pagsubok. Nasa Bibliya ang katugunan ng Diyos sa iyong mga suliranin. Ngunit kadalasan, nasa "shelves" lang ang Bibliya at naaalikabukan.
Matthew 22:29
Jesus replied, "You are in error because you do not know the Scriptures or the power of God.
3. Invite friends
Let your "trusted" friends know your sufferings. A true friend will stick with you through thick and thin. Ang kaibigang andyan lang pag may happenings at may mahihita sa'yo ay walang kwentang mga kaibigan. Let them know so they can help you pray. So you can have a shoulder to cry on or just to hang out with you and i'm sure maraming susubok na tulungan ka in many, many ways.
 Ecclesiastes 4:9-11
9 Two are better than one, because they have a good return for their work: 10 If one falls down, his friend can help him up. But pity the man who falls and has no one to help him up! 11 Also, if two lie down together, they will keep warm. But how can one keep warm alone?

4. Act on it
Harapin ang problema. Huwag takasan. Wag daanin sa paglayas. Hindi rin yan makukuha sa paglaklak ng sandamakmak na gamot, paglunod sa alak o sa pagtalon sa building. Kadalasan, palalalain lang nito ang problema. Lahat ng pagsubok ay lumilipas at may hangganan. Kaya nga "SUBOK" lang e. Kahit ang appliances pag dinaan mo sa "trial period" ibig sabihin, sandali lang yun. Wala namang sumubok ng isang bagay na habang buhay nyang sinubukan.
2 Timothy 2:3
3Endure hardship with us like a good soldier of Christ Jesus.
 James 1:12
Blessed is the man who perseveres under trial, because when he has stood the test, he will receive the crown of life that God has promised to those who love him.
5. Learn the lessons
Ang isa sa pinakamahalagang bagay marahil sa lahat ng pagsubok na ating pinagdaraanan ay ang leksyon na kanyang iiwan. Upang sa gayon, ay hindi na maulit o mabawasan man lang ang kasakitan at kabigatan kung ito man ay sumubok muli sa ating buhay. Hindi pwedeng madapa ka sa iisang bato araw-araw. Iiwasan mo na dapat sya sa susunod mong hakbang upang hindi ka mapatid. Ang bawat pagsubok ang syang magpapatatag sa ating pagkatao.
1 Peter 1:6-7
6In this you greatly rejoice, though now for a little while you may have had to suffer grief in all kinds of trials. 7These have come so that your faith—of greater worth than gold, which perishes even though refined by fire—may be proved genuine and may result in praise, glory and honor when Jesus Christ is revealed.
6. Smile!
Isang maipagmamalaking ugali ng Pilipino ang pagiging masayahin kahit na sya ay nasa gitna ng anumang pagsubok na kanyang pinagdaraanan. Nasunugan kahapon, maya-maya ay naghahalakhakan na yan sa kwentuhan. Isang paraan ito upang ating mabawasan ang kabigatang ating pinapasan. Sabi nga, "Laughter is the best medicine". Humalakhak, ngumiti, tumawa sa gitna ng mga suliranin. Hindi dahil nababaliw ka kundi dahil alam mo na sa gitna ng kapighatian at mga paghihirap, may Diyos kang malalapitan at mga kaibigang handang dumamay sa iyong buhay. Tutal, wala namang pagsubok na ibinigay kaninuman na hindi nya makakayanan.
1 Peter 4:12-13
12Dear friends, do not be surprised at the painful trial you are suffering, as though something strange were happening to you. 13But rejoice that you participate in the sufferings of Christ, so that you may be overjoyed when his glory is revealed.

Dumaraan ka ba sa pagsubok ngayon?

Manalig ka sa Diyos. Ang bawat pagsikat ng araw sa iyong buhay ay mga pagkakataong pinagkakaloob sa iyo upang ituwid ang mga mali at iahon ang sarili, sa tulong ng Diyos at mga kaibigan, sa pagsubok na iyong pinagdaraanan. Habang may buhay, may pag-asa.

Tuesday, August 31, 2010

May napulot ako sa kalsada

Madalas akong mag-imagine na habang ako'y naglalakad sa kalsada ay marami akong mapupulot na pera. Minsan, iniisip ko, may isang makalaglag sana ng envelope na puno ng pera at pagkatapos ako ang makakapulot. Walang address. Walang pangalan. O kaya naman, may 'sang magnanakaw na hinahabol ng pulis, at sa aking pagsalubong ay ibabato nya sa akin ang isang bag na pera ng walang nakakapansin. Kaya madalas, pag ako'y naglalakad sa kalsada, lagi akong nakayuko...umaasang may mapulot kahit barya. Ahahaha.

Na-in-love ako sa "street photography". Ayaw ko sya noong una dahil nahahabag ako at naiinis sa aking mga nakikita. Naawa dahil marami tayong kababayan ang talagang salat sa kadukhaan, nakikita ko ang tahanan nila sa kung saan-saang silong lang. Nanlilimos. Namumulot ng pagkain sa basurahan. Manghihingi ng piso. Kung minsan, ang natira kong gulaman ay hihingin pa ng ibang mga bata. Nakatunganga maghapon katabi ang kanilang panindang kendi na halos iilang piraso na lang.  Kung saan mailatag ang likod, ayos na ring higaan. Marami ang natutulog kung saan-saan lang. Umaaraw man o umuulan.


Naiinis din dahil parang walang tumutulong sa kanila. Walang pumapansin. Katatakutan. Pandidirihan. Ang gobyerno sana ang nangunguna sa pag-aksyon sa mga kagaya nila. Pero sadyang kulang o kaya nama'y talagang walang maasahan. Naiinis dahil wala rin naman akong magawa.


Pero sa paglaon ng mga panahon sa daan-daang larawang aking nakuhanan, at sa mga buhay na aking namasdan, nakita ko rin ang pwedeng magawa ng aking mga larawan. Na ang aking mga kuha ay pwedeng magsilbing tinig nila. Tinig na hindi naririnig o ayaw pakinggan ng karamihan. Gayundin naman, ang mga larawang ito'y personal ko ring pinagkukuhanan ng mahahalagang aral ng aking buhay. Na ako bilang naka-aangat sa kanila ng kaunti, ay dapat matutong magpasalamat at maging kontento sa biyayang aking natatanggap sa araw-araw. Nawa, ang ibang makatingin sa mga kuhang ito, ganun din ang maramdaman.


Iba-iba ang buhay sa kalsada. Iba't-ibang tao ang pwede nating makita. Kanya-kanyang gawa. Kanya-kanyang istorya.


Babalik-balikan ko ang kalsada. Maglalakad ako ng hindi na nakayuko. Di man ako makapulot ng pera, alam kong may mas mahalaga pa na pwedeng mapulot sa kalsada.

Sunday, August 22, 2010

Sunday Message: The JOY of life

People want to be happy. We want that happiness to be present in everything we do and in everywhere we are. We want happiness in our office, in our family, in our circle of friends and in our inner self. It's good to want happiness.

But JOY is different. Happiness is dependent on things and events that favors you but joy is something within, something deep, that no matter how difficult your situation may be, you know you have that "peace" inside you that says everything IS okay.

Joy depends on God not on things.

Kaya maraming tao ang walang kagalakan sa buhay kahit pa tila nasa kanila na ang lahat. Hindi lahat ng mayaman ay masaya. Hindi lahat ng meron ay may kagalakan. Gayundin naman, hindi lahat ng mahirap ay dapat magpakalungkot o tingnan ang sarili nyang mababa. Sapagkat ang kagalakan ay nakukuha sa pamumuhay ng simple at may kakuntentuhan. Sabi nga sa isang commercial sa TV: "Life's satisfaction does not depend on what you have but in what you do with what you have."

Isa pa, kaya marahil maraming tao ang walang kagalakan dahil ang simpleng buhay na bigay ng Diyos sa kanya ay ginagawa nyang komplekado. People should learn to prioritize things and live life simpler. Joy can be found on the simple things around you if you just learn to appreciate life as it comes. Ang simoy ng hangin, ang kape at pandesal sa umaga, ang iyong pamilya, lahat ng yan ay maaaring maging bukal ng kagalakan na hindi mo nakikita o tinitingnan. Instead, we focus on our deadlines, sidelines, paano kikita, paano yayaman, money, money, money. We end up disoriented, stressful and unhappy. Hindi ko sinasabing masamang magpayaman, pero hindi lang yan ang dahilan kung bakit ka nabubuhay! Look around you, baka marami kang nami-miss. At the end of each life, baka marami tayong pagsisihan sa huli at sabihin nating "sana nagawa ko ito, sana napuntahan ko yan." Pero di na maibabalik ang panahong lumipas.

The time to be joyful is now!

Ecclesiastes 3:12
I know that there is nothing better for men than to be happy and do good while they live.

So how can one have JOY in his life?

Put...

1. Jesus first.
         Unahin mo ang Diyos. Hindi lang sa salita, ipakita mo sa gawa. Acknowledge naman your Creator and give thanks to what He's done, what He's doing and what He's going to do. He loves you more than you can imagine and yet, di mo yun pansin. Nagpasalamat ka na ba na buhay ka ngayong umaga? Nagpasalamat ka na ba na may hininga ka pa? Na nakakapaglakad ka, nakakakain, nakakabasa? It must be really painful to feel neglected, imagine how God feels na wala man lang Sya sa eksena ng iyong araw-araw na buhay.

Matthew 6:33
But seek first his kingdom and his righteousness, and all these things will be given to you as well.

2. Others next.
         Jesus said, "Love each other, just as I have loved you." Paano pinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa atin? He died on the cross so we may live. He died for all. Without condition. No "ifs", no "buts". That then is how we should love other people. Hindi yung mahal mo dahil mahal ka din. Binigyan mo ng "something" dahil binigyan ka rin. Love unconditionally.


Matthew 22:39
'Love your neighbor as yourself.'

3. Yourself last.
         Wag kang swapang. Wag madamot. Wag puro ikaw, ikaw, ikaw! Akala ng iba, by gaining everything and being the first is what will make them happy. Tandaan natin na mas mataas ang lipad ay mas masakit ang pagbagsak. Sadyang may iba na walang pakialam sa kanilang mga nasasagasaan at nasasapawan marating lang at maabot ang kanilang mga "selfish desires". Life is not about being first on its race or winning for that matter, but it's about playing fair. Joy can be found if we see the people around us happy and successful. Nasaan ang joy dun kung ikaw lang ang masaya and everyone else is suffering?

Mark 9:35
"If anyone wants to be first, he must be the very last, and the servant of all."

Conclusion:
How to be joyful? Live simple. Know your priorities. Appreciate life. Kahit di ka mayaman o sikat o cute. God created you for a purpose! :)

Tuesday, August 17, 2010

Sabit


Isang experience.

Papunta ako ng Quiapo, sa Maynila. Pagdating ko sa may V.Mapa, ang jeep kong sinasakyan ay biglang hinabol ng mga bata at animoy mga gagambang talon na nagsi-akyatan sa punong-punong jeep na aking kinalalagyan. "Hoy! Bumaba nga kayo dyan!" Sigaw ni mamang driver habang nakatingin sa napakaliit nyang salamin sa harap ng kanyang ulo. "Baka madisgrasya pa kayo, sagutin ko pa kayo." Pagpapatuloy ng mama.

Sa aking pakiwari, may punto nga naman ang mama. Ang kita nyang kakaunti baka sa pagpapagamot pa mapunta, o di kaya'y sa pagpapalibing ng musmos na mga bata. Ang masama nya'y baka mabugbog pa sya ng mga tambay sa kanyang dinaraanan sakaling mangyari nga ang kanyang kinatatakutan. Gusto ko rin sana silang sawayin, bilang nakakatandang "concern" sa kanilang kalagayan. Baka nga naman mahulog, kawawa naman. Pero imbes na manaway, napangiti pa ako't natuwa sa kanilang kakulitan.

Hehehe, gawain ko rin yan kasi dati.

"Mama, pasabit! Hanggang kanto lang!" Biglang haharurot para kami ay iwasan. Hahabulin mo hanggang sa mahablot ang estribo. Hating-gabi na, laman pa kami ng kalsada. Minsan, may mabait na driver na magpapasabit, ang iba nga'y papasukin ka sa loob na hindi pagbabayarin. Yun yung mga pagkakataong namumulot kami ng mga kaha ng sigarilyo. Para gawing pera-perahan sa kalog o tansing. Kung minsan mga bakal-bakal at tanso na pwedeng ibenta para maipambaon sa eskwela, pambili ng nutriban at kung anu-anong kakanin na binebenta ni titser na pag-hindi ka bumili, babawasan ka ng grado sa exam. Salbaheng guro. Panakot lang naman nya, pero salbahe pa ring guro. Malayu-layo kasi kung lalakarin. Sayang naman  din kung mamasahe ka pa. Alanganin. Naiipit ka tuloy sa gitna. Kaya yun ang aming paraan, ang makisabit sa mga jeep. Ang sumakay ng walang-bayad. Delikado sa mata ng mga matatanda. "Adventure" sa aming mga bata.

Di kasi kami mayaman. Ang simpleng kawalan ng P1.50 ay sapat ng lason sa isipan para isisi kung kani-kanino kung bakit kasi hindi kami mayaman. Ang bawat sentimo noon ay iniipon. Pinupulot at pinahahalagahan. Di gaya ngayon, magagalit ka pa pag sinuklian ka ng baryang may butas sa gitna.

Pumreno ang jeep at ang driver ay akmang bababa. Kanya-kanyang puslit ang mga bata. Pero sa di kalayua'y nag-ipon-ipon ding bigla. Nagsisikuhan. Nagtatawanan. At nag-aabang muli ng panibagong masasabitang sasakyan.

Masisisi ko ba sila sa delikadong bagay na kanilang ginagawa? Di ko alam. Naiipit ako sa gitna.

Friday, August 13, 2010

O, ano na?

Ang ingay-ingay ko ngayon sa opisina. Sigaw ako ng sigaw, malakas na sigaw pero wala ni isa sa akin ang nakakapuna. Huh!? N-a-k-a-k-a-b-a-l-i-w pala ang pag-iisa. Ala kang magawa at wala ka ring makausap. Tingin sa pinto, sa sahig, dingding, dumi, mesa, kisame. Pina-iikot ang upuang napupunit na sa kalumaan. Pina-iikot din ang mata sa mga bagay na araw-araw mo naman ding nakikita. May dumi pala ang monitor ko, ngayon ko lang napuna! Tatayo. Uupo. Lalakad. Uupo. Facebook, checked. Flickr, checked. Uy, may nag-comment! Sandaling siglang napalitan din ng paghihikab at walang humpay na pag-uunat. Di na ako tatangkad....


.....


.....nakatulog na pala ako! haha, pasensya na sa aking amo.

Excited pa naman ako sa bagong blog page ko. Gusto ko sanang lumabas at kumuha ng litrato. Pero eto, nakakulong sa maliit na kwarto.Tunog lang ng aircon ang naririnig ko. Sakit sa ulo! Aaaaaah! Gusto kong lumabas, tumalon, tumakbo at lumipad! Tatalunin ko ang matataas na building dyan sa ortigas. Languyin ko kaya ang manila bay kahit na puro burak? Ah, punta na lang akong baguio tapos babalik din agad! Oooh, ang lamig! Brrrr.

Riyalidad.

Nakakatamad! Super! Nakaka-freeze ng utak!  Nakaka-umaaaay.

May mga araw yatang sadyang gan'to lang. Kaybagal ng oras. Ang dami mong gusto at dapat gawin pero inunahan ka ni Ka Tamad. Masipag naman ako kapag ang daming trabaho. Pasensya na ulit sa aking amo. Alam kong may mga nasayang sa oras ko. Pero kailangang labanan ko. Babawi ako.

Thursday, August 12, 2010

Subok lang

May tatlumpong minuto ko na ring tinititigan ang monitor ng aking computer. Minamasdan ko ang aking bagong gawang blog page. Wala akong maisip na isulat o larawang gusto kong ilagay. Magta-type ako at pagkatapos ay buburahin ding lahat. I-inglesin, tapos tatawanan ang sariling gramar, oops, grammar. Susme!

Ano ba itong pinasok ko na naman? 

Naengganyo marahil ako sa mga nababasa ko sa ilang mga kaibigan. O kaya'y naghahanap ng pupuno sa mga oras na lumilipas na wala namang ginagawa kundi ang magbasa ng mga comments ng kung sinu-sino at kung saan-saan. Trip lang? Siguro. Pero sa totoo lang, noon pa'y gustung-gusto ko na rin ang pagsusulat, at gusto ko ring sumabak sa mga gan'tong blog blog blog. Yun nga lang ay takot akong gawin dahil ako'y hindi sanay mag-ingles. Dahil ang akala ko'y inglisan ang labanan sa mga ganitong lugar sa internet. Pero naisip ko na tagalugin na lang tutal naman ay pinoy naman talaga ako at iyon ang salitang komportable akong bigkasin at ipangsulat. Higit naman yatang mahalaga na ako ang unang maka-unawa ng aking mga isusulat bago ang iba. Bahala na lang ang mga magbabasa (kung meron man) na hindi nakakaunawa ng tagalog na mag-transate. Kung pinoy ka naman at di mo "feel" ang tagalog...mahiya ka! But of course, i also have to try writing in English, naks! (Siguro may mali akong grammar sa sentence na iyon, critics, welcome! hehe) Di naman iyon masama o kasalanan. Pasundo't-sundot lang, sabi nga. Paano nga naman ako matutuo kung di ko susubukan, right?

Kaya heto, subok lang. Di ko alam kung magtatagal. Gayunman, i-enjoy na lang natin ang bawat sandali ng pagbabahagian ng mga kwento at larawang ating natututunan at nasisilayan sa araw-araw. Ang bawat opinyon na iyong mababasa ay opinyon ko lang at hindi ibig sabihin ay iyon ang ganap na katotohanan. Pero sa mga opinyong na iyon, buksan mo lang ang iyong isipan. Malay mo, marami ka ring matutunan.

Let's roll! :)